Ang Lumang Lalagyan


Bagsik ng Panitikan 2013

Nag-aayos ako ng gamit nang makita ko ang isang lalagyan ng sorbetes sa tabi ng isang lumang lampara. Parang binahayan na ata ito ng mga gagamba at alupihan sa sobrang kapal ng alikabok. Sa nakakatawang kadahilanan ay bigla akong napangiti ng ito'y aking buksan..

-o-

Sampung taon na ang nakalipas nang una tayong magkakilala. Magkaklase tayo sa kursong medisina. Noong una ay medyo naweirduhan ako sa'yo, akala ko nga supalada ka. Madalas kasi ay ang mga kamag-aral nating barako ang kasama mo. Kung hindi ko pa hiniram ang ballpen mong Lotus ay di ko pa mapagtatanto na sadyang palakaibigan ka lang pala talaga kahit kanino.

Simula noon ay madalas na tayong magkasama, kahit saan pumunta, lagi mo na lang akong hinahatak. Kahit nga walang pasok, madalas ay ka-text pa rin natin ang isa't isa, yung tipong inaabot tayo ng madaling araw. Nakakatawang isipin na kahit wala ng kwenta ang pinag-uusapan natin ay tuloy pa rin tayo sa pag-uusap. Para ka kasing peryodiko na 'di maubus-ubosan ng kwento at salita eh. Kaya ang resulta, ayun, madalas tayong puyat.

Tanda ko pa, madalas din noon ay pinag-dra-drawing mo ako. Maaalala mo pa kaya kung gaano ka kaaliw sa mga drawings na ginagawa ko? Yung mga doodles ko sa likod ng notebook at libro na makaubos tinta? Naalala ko pa nga, hiniram ko minsan yung mech-pen mong Pilot na kulay violet para gamitin sa paborito kong "Beneath the Tree" drawing. Tapos nung di ko na nasauli, inis na inis ka. Ako naman ay tawa lang nang tawa noong oras na yun habang nagsasabi ng "sorry, arbor ko na lang yun".

Bigla kang gumanti, kinuha mo rin ang ballpen kong may elisi sabay hablot ng notebook ko at nagdrawing din sa likod ng isang ice cream at sabi mo ako yun. Lalo akong natawa kasi pinirmahan mo pa na parang masterpiece lang. Ewan ko ba sa'yo, di naman porket triangular ang shape ng mukha ko at kulot ang buhok ay ice cream agad, di ba?

Speaking of ballpen na may elisi, naalala mo ba ito? Ito yung green kong ballpen na lagi mong kinukuha para arborin. Syempre ako naman todo bawi, sabi ko bibilhan na lang kita. Tinawag mo pa nga akong unfair noon eh. Kasi naman 'pag ako ang nanghihiram ng ballpen, wala ng balikan pero pag ikaw kamo bawal ang arboran.. "ba't ganun?" ang lagi mong tanong. Eh, pasensya na, masisisi mo ba ang isang ballpen maniac na tulad ko? hehehe

Hanggang sa dumating ang oras na kinatatakutan ko. Tuluyan na nga akong nahulog sa'yo. Pero nanaiig ang takot sa akin. Takot akong masira ang pagkakaibigan natin, takot ako na tanggihan mo ako.. dahil dito, mas pinili ko na lang itago ang nararamdaman ko. Inisip ko na may tamang oras para malaman mo ito.

Isang buwan bago ang graduation natin. Nagkita tayo sa isang mall nang 'di sadya. Mayroon kang kasama, isang lalaki na may tattoo ng ahas sa kanang braso. Matangkad ito at may nakasukbit na kamera sa leeg. Nakakawit rin ang iyong braso sa kanya. "Uy", bati ko sa inyo habang papalapit kayo sa kinatatayuan ko. Sa totoo lang di ko ma-explain ang tumatakbo sa utak ko noon.

"Uy, musta? Anong ginagawa mo rito?", panimula mo. "Nga pala si [INSERT NAME HERE], boyfriend ko", pagpapakilala mo. Sabay abot nya ng kamay para makipag-shake-hands. "Puta, tama ba ang narinig ko?", bulong ko sa sarili ko. Syempre, ayoko naman na bastusin ang kasama mo kaya napilitan na rin ako makipagkamay sa kanya. Sabay nun ay isang paalam ang aking nasambit sabay sabing "Sige, may pupuntahan pa ako. Nice meeting you."

Dali-dali kong nilisan ang lugar na yun. Para lang akong sinisilihan sa kuyukot at nagmamadaling sumakay ng jeep pauwi. Di ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Ni hindi ko maipaliwanag kung ano yung kirot sa dibdib ko. Di ko pa rin maproseso sa utak ko ang nakita at narinig ko. Ang sakit-sakit lang.

Simula noon ay naging madalang na ang ating pag-uusap. Kahit ikaw ay nagtaka sa aking inasta. Humihingi ako ng tawad dahil sa biglaan kong pag-iwas.

Hanggang sa dumating ang araw ng graduation natin. Napagpasyhan kong aminin sa'yo ang totoong nararamdaman ko. Bahala na si Batman. Inisip ko na lang na mas matatahimik ako kung mailalabas ko ito kaysa hayaan kong multuhin ako ng "what-if's" ko.

Kinausap kita pagkatapos na pagkatapos ng ceremony. "Best, pasensya na sa pag-iwas ko. Kailangan ko lang talaga dumistansya."

"Ano ba kasing problema? Ayaw mo naman kasing sabihin kaya di na kita pinilit.", sagot mo.

"Sorry talaga, pero kasi, habang kasama mo sya ay 'di ko mapigilan ang hindi masaktan. Sorry talaga. Sinubukan ko namang pigilan ang nararamdaman ko sa'yo, dahil natatakot ako na masira ang pagkakaibigan natin. Pero di mawala eh.. Best.. mahal na kita..", ang malungkot kong nasabi sa'yo.

Wala akong natanggap na reaksyon mula sa'yo kung hindi ang isang yakap.

"Ngayon ko lang narinig sa'yo yan. Alam mo bang matagal kong hinintay na sabihin mo yan. Hinintay ko hanggang sa mapagod ako. Pero pasensya na, may iba na akong mahal eh. Kung sinabi mo lang yan noong hindi pa huli ang lahat....", tugon mo.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil doon. Di ko maipaliwanag ang sakit at ang panghihinayang na naramdaman ko. Tinapos natin ang gabing yun ng isang yakap kasabay ng iyong pangako na "Walang magbabago sa pagitan nating dalawa. We're still friends after all.". Matapos noon ay tuluyan na nga tayong naghiwalay.

...

Limang taon matapos ang tagpong iyon, simula noon ay di na tayo nagkita. Di ko na rin kasi kayang magpakita sa'yo ulit matapos noon. Ni sa mga reunion natin ay di na ako uma-attend para lang maiwasan ang makita ka. Ang huling balita ko nga ay ikakasal ka na, pihadong masayang masya ka na ngayon.

Ako naman, heto, single pa rin, pero malayu-layo na rin ang naging takbo ng buhay ko mula noon. Pero nais kong aminin sa'yo kung sakaling nababasa mo ito... hanggang ngayon, ramdam ko pa rin kung gaano ka kaimportante sa buhay ko.

-o-

Nag-aayos ako ng gamit nang makita ko ang isang lalagyan ng sorbetes sa tabi ng isang lumang lampara. Parang binahayan na ata ito ng mga gagamba at alupihan sa sobrang kapal ng alikabok. Sa nakakatawang kadahilanan ay bigla akong napangiti ng ito'y aking buksan..

Nasa loob nito ang ballpeng Lotus na nagsimula ng lahat...
Ang mechanical pencil mong Pilot na inarbor ko at di na binalik...
Ang ballpen kong may elisi na madalas nating pagtalunan....
Kasama pa ang ilang ballpen na inarbor at dinekwat ko sa'yo...
Kasama ang lahat ng ala-ala na hanggang ngayon ay bitbit ko sa puso ko..





Ang post na ito ay ang aking entry para sa

3 comments:

  1. salamat! :)

    yung ballpen collection po totoo, pero yung story, fictional lang... hehehe

    ReplyDelete
  2. Congrats sa entry mo... ^___^

    ReplyDelete