PROLOGO . . .
May mga bagay na kapag ikukwento mo ngayon ay nakakatawa, parang jowk lang. Pero kung tutuusin nung mga panahon na nararanasan mo yun, mahirap, napakahirap... minsan pa nga masakit, hindi katitiis, yung bang gusto mong ilabas lahat lahat sa isang bagsakan pero parang 5-6 lang ng bumbay, installment ang dating.
Teka, baka seryoso ang nasa isip nyo. Dito sa WaKweKwe bawal ang seryoso, lahat tayo dapat masaya, ang sinasabi ko lang naman ay patungkol sa paghilab ng tyan. Tumpak! L-B-M.
Nais ko sanang ibahagi sa mga masugid na mambabasa ng WaKweKwe, kung meron man, ang pakikipagsapalaran ko sa LBM sa iba't ibang sitwasyon, panahon at lugar.Ang layunin lang naman nito ay magpakiliti at kahit papaano ay magsilbing gabay kung sakaling mahaharap kayo sa mga sitwasyong isasalaysay ko ng pira-piraso.
PANIMULA . . .
Nagsimula ang lahat nung ako ay nasa kolehiyo. Bago pa man, wala naman kaming water purifier. Hindi naman ako anak mayaman, tulad ng pangkaraniwang mamamayan sa Maynila, nawasa ang tubig na panligo, panlaba at pang-inom rin namin. Ewan ko ba, pero biglang naging sensitibo ang tyan ko sa tubig. Marahil nanibago ang tyan ko dahil noong kolehiyo naging maluwag ang pamumuhay namin. Tumira kami sa village (naks!) at nagpapadeliver na rin ng mineral water sa aming bagong bagong water dispenser (ang totoo libre lang yun sa nabili naming ref). Simula noon madalas na ako makaramdam ng paghilab ng tyan sa tuwing makaiinom ng hindi kalinisang tubig.
Minsan naitanong ko sa sarili ko kung ang LBM ba ay isang karamdaman? Hindi nga eto nakakahawa ngunit nakakapagpagabagabag (tama ba?). Hindi nga nakamamatay pero isang panandalian lason naman ang dulot ng amoy nito.
YUGTO I: UNANG HILAB . . .
Nakatira ako sa Cavite at nag-aaral sa Maynila. Araw-araw (syempre, maliban sa weekends) ay bumibiyahe ako ng higit kumulang 2 oras. Maaga akong naghanda papasok... Krrruuuk... tunog ng tyan ko, pero agad naman etong nawala. Morning rush hour, napakahirap sumakay ng Lawton na van. Sa kagustuhang 'wag ma-late sa klase, napilitan akong mag-jeep. Pagtyatyagaan ko muna ang usok at init.
Kruuuuk... di pa man nakakalayo ay nakaramdam ulit ako ng paghilab pero tulad ng una, nawala ulit eto. Nakatulog ako sa init at maagang pagbigat ng trapiko sa Niog, eto yung makitid at lumang daan papasok sa Molino, Cavite at lagusan pa-Aguinaldo highway noong 'di pa nabubuksan ang bago kalsada sa Molino Boulevard. Kruuuuuk... kruuuuk... nagising ako sunod sunod na paghilab muli ng tyan. Nakiramdam ako at sinamahan ng hiling " 'waaag poooo" Ngunit nagpatuloy ang paghilab sinamahan pa ng panlalamig, halos magtayuan ang lahat ng buhok sa aking katawan. Mayamaya ay hindi ko na mapigilan ang bagay na tila nais ng sumabog. Pinilit kong deadmahin, pinakakalma ko ang sarili na may malapit na Jollibee sa bukana ng Niog. Tumagaktak ang pawis ko hindi dahil sa init ng panahon kundi sa kakaibang pakiramdam. Malas at sobrang bigat pa rin ng trapiko. Sigaw ko sa aking isip "Hindi ko na kaya, lalabas na!" Bahala na, bumaba ako ng jeep pigil na pigil wag mailabas ang itinatago.
Itutuloy...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment