Lihim ni Pooh
Lihim ni Pooh (I)
Lihim ni Pooh (II)
. . . Kaya naman sa muling pagdalaw ni Pooh, isang pamilyar na mukha ang makikita kong muli...
YUGTO III: ANG MULING PAGTATAGPO . . .
Krruuuk... tunog na nagbabadya ng isang bangungot.
Tulad sa "Ikatlong Palapag," dama ko ang paghilab na naman ng tyan ko sa gitna ng biyahe papasok sa school. Ako na talaga ang apple of the eye ni Pooh. Hindi pa man ako nakakaahon sa kahihiyan sa mga naunang pag-atake, heto na naman sya muli tinutukso-tukso ang mga bagay sa loob ng sistema ko na maghimagsik muli. Tila may namumuong unyon ng mga manggagawa sa sistema ko.
Sa mga oras na iyon, hindi na bago ang pakiramdam. Mula sa pagkaramdam ng ginaw, pagtayo ng balahibo at pasundot-sundot na tila lalabas na bagay mula sa aking puerta. Kunbaga, kabisado ko na ang pag-atake ni Pooh. Na-master ko na rin ata ang mga posisyon kung paano higit na mapipigilan ang paglabas. Natutunan ko yata sa anime na "Slamdunk" na "the one who controls the rebound controls the game". Kaya naman full-control ang drama ko. Pero sa lahat ng laro may mga di inaasang bagong teknik ang kalaban.
Matagumpay kong napigil at nalabanan si Pooh. Pagbaba ko ng Kalaw, nag-abang ako ng Pier na jeep.
Krrruuuukkk... Pruuuuuooottt...
Ang dating nakasanayang tunog ay tila may kakambal na.
Krrruuuukkk... Pruuuuuooottt...
Hilab sa tyan... tunog sa pwetan...
"Bakit Pooh? Bakit?" May panghihina at hinanakit kong sambit sa sarili. Kung kanina "No panic, everything is under control" ngayon "it's panic time" ito na talaga ang oras para magpanik dahil pakiramdam ko sa bawat paglabas ng tunog ay nag-aaya eto ng mga superfriends.
Pigil na pigil ako. Lumayo ako sa madla.
Krruuuuukkkkk... Pruuuoo... rooouu.... roooot...
Putol-putol na tunog dahil sa pilit kong pagpigil. Napagdesisyunan kong panahon na para ilabas ang iron mask, kapalan na muli ng mukha ito.
Sa pamilyar na gusali ako pumasok. Bumalaga sa akin ang may katandaan na lalaki na may pilat sa talukap ng isang mata. Ang muli pagtatagpo namin ni manong guard. Love is sweeter the second time around daw, totoo nga yata dahil hindi pa man ako nakakapagsalita, matamis na ang ngiti ni manong guard at isinenyas ang kamay na pumasok na ako. Dumeretso ako sa hagdanan pero agad akong tinawag ni manong guard. Kung nung una sa kanya ko narinig ang isa sa pinakamasakit at pinakagigimbal na linya sa buhay ko, sa pagkakataong ito isang matamis na linya ang namutawi sa mga labi ni manong guard.
"Ok na ang elevator ma'am."
Pakiramdam ko nagningning na tila mga bituin sa langit ang mga mata ko at ang tingin ko kay manong guard ay si Papa P. na nagsabi ng "I love youuuu". Ito na na yata ang pinakamasarap na linyang narinig ko. Gusto ko man syang yakapin dahil sa naguumapaw kong kaligayan, meron pa ako giyera na sasabakin.
Nagmadali ako sa elevator, malas at may isang ateng humabol na sumakay.
Krrruuuuukkkk...
Pigil hininga, todo kaba.
...
....
.......
Bawat hilab ng tyan ng walang kasunod na eskadalosong tunog ay isang milestone.
Sa wakas ikatlong palapag na. Inunahan ko si ateng lumabas ng elevator. Prut.. bawat hakbang nag-iiwan ako ng sama ng loob. Pagkanan ko may mga mangilan-ngilang mangagawa pa rin ang nandoon. "Naaalala pa kaya nila ako?" tanong ko sa sarili, "Hindi naman siguro." Sabay ang tingin ng isang manggawa at ang makahulugang ngiti nito ay parang nagsasabing "naaalala kita". Pero lahat ng hiya ko sa katawan ay isinantabi ko dahil nag-aalmang agsabog ng bulkan.
Kung noong una ay pinilit kong maging normal ang lakad ko sa harap ng mga manggagawa upang pagtakpan ang sitwasyon, sa pagkakataong eto halos kumaripas ako ng takbo. Bahala na si Batman tutal alam ko namang alam nila yung alam nyo na din ngayon.
Hindi lang kami ni manong guard ang muling nagtagpo. nanabik ng husto ang mga nsa loob ng tyan kong makita muli ang bagong tagpong friendship — ang inodoro sa ikatlong palapag. Ala-tauhan sa telenovela na mga sabik mayapos at mahagkan ang isa't isa. Reunion na ito! Go, go, go!
Nakangiti akong muling nagpasalamat kay manong guard. Pakiramdam ko mahal ko na sya, kaya lang "we have the right love at the wrong time". Masakit man pero hiniling ko na sana huling pagkikita na namin ni manong guard yun. Masasaktan lang sya, dahil oo, isa lang akong manggagamit... mangagamit ng CR. Yun lang habol ko wala ng iba pa.
Hindi man malinaw kung sino talaga ang totoong nagwagi sa bawat laban namin ni Pooh ang mahalaga ay nairaos ko ang bawat hilab at rebolusyon. Ang bawat isa sa atin ay nadalaw at nabiktima na ni Pooh. Naging kasangkapan sa paggawa nya ng lihim na Disney army upang labanan at puksain ang Justice League at Avengers. Anong panama nila Batman at the Hulk sa mga Super Poohs at siguradong natikman na rin nila ang bagsik ni Pooh.
Sa tamang panahon, mula sa ilalim ng ating mga inodoro maglalabasan ang baho ng LIHIM NI POOH.
*** WAKAS ***
P.S. Sa mga masugid na sumabaybay sa seryeng ito (mukhang wala naman). Maraming maraming salamat po sa inyo. Sana ay na-enjoy ninyo at may napulot kayong aral, kahit papaano. Abangan ninyo ang susunod na walang kwentang kwento ihahandog muli ng WaKweKwe.
Hanggang sa muli. Happy Pooh-ping!!!
0 comments:
Post a Comment