Lihim ni Pooh (II)

nakaraan . . .

Lihim ni Pooh
Lihim ni Pooh (I) 

 . . . Tuso si Pooh. . . Muli niya akong dinalaw sa hindi inaasahang pagkakataon . . .

YUGTO II: IKATLONG PALAPAG . . .

Lunes. Nakakatamad pumasok. Iniisip ko palang na makikipag-punong braso na naman ako sa dagsang pasahero para makasakay ng Lawton van o fx parang tinatamaan na agad ako ng sakit na walang lunas — sakit na katamaran. Hmmm... sa pagkakabanggit ng "sakit" bigla kong naalala si Pooh. Matapos ng unang insidente sa "Unang Hilab" naging maayos naman ang pagdalaw ni Pooh. Naging patas ang bawat labanan sa pagitan namin. "Huh! Hindi mo na ako maiisahan pa Pooh", may yabang na madalas na sambit ko sa isip ko.

Bagamat Lunes at napakahirap sumakay, masuwerteng nakatyempo ako ng Lawton fx na tila kapapasada lang at wala pang pasahero. Tumabi ako sa driver, ayos na ayos at makaka-idlip ako sa biyahe dahil siguradong uugatan na naman ako sa bigat ng trapiko.

Krruuuuk... Naalimputangan ako sa pamilyar na tunog.
Dug-Dug-DUggGGGG... sinabayan na ng pag-dagundong ng puso ko sa kaba.
"Si Pooh!!!" nasambit ko sa sarili.

Kasalukuyang nasa toll gate sa Coastal Road kami. Tulad ng dati, pinilit kong pumayapa at inisip ko na bababa na lang ako ng Baclaran. Doon maraming naghihintay na CR. "Aja!"

Pagdating ng intersection sa Coastal Mall, halos gumuho ang mundo ko na sa halip dumeretso pa-Baclaran ay kumabig pakaliwa ang drayber pa-Macapagal Highway na noon ay tinatambakan pa lamang ang malaking bahagi at sa kabila ay isang malawak na talahiban.

Krruuuuk... krrruuuuk... sunod-sunod na pagrerebelyon ng bagay na nasa tyan ko. Hindi ko alam kung lumamig ba ang aircon dahil nagtayuan ang balahibo ko, nilamig ako mula anit hanggang sa dulo ng mga daliri ko sa paa. Ibinaling ko sa ibang direksyon ang blade ng aircon. Pakiramdam ko unti-unti ng pumapatak ang malapot at malamig na pawis mula sa noo ko. Pinunsan ko ito pero ni-isang basang patak ay wala akong nakapa. "Invisible pawis?" o nagdidiliryo na siguro talaga ako.

Pagalaw-galaw ako at hindi mapakali sa pagkakaupo, kumukuha ng magandang pwestong mas mapipigil ko ang bagay na pakiramdam ko ay dudungaw na anumang oras. Mabuti na lang at hindi ramdam ng katabi ko na tulog na tulog. Sa bawat kakaibang pakiramdam parang gusto ko ng agawin ang manibela kay manong drayber at paharurutin ang fx sa pinakamalapit na CR. Pinilit kong ibahin ang isip ko, naniniwala kasi ako na makapangyarihan ang utak, minsan daw psychological lang ang nararamdaman at pwedeng kontrolin ng isip.

"Anong kulay kaya ng diskette ang bibilhin ko mamaya..."

"Kung mag-aaway ang Japan at Pinas, sino kaya ang ipangtatapat natin kanila Voltes V. Kay Goukou palang wala na matitira sa Pinas... "

"Bakit kaya ang kulot salot? Si Eroni ba salot?..."

"Nakakatawa naman si Openg tagagawa ng drawing namin pero bakit mas mababa pa grade nya sa amin..."

Masyado akong naaliw sa mga naiisip ko, napansin kong medyo naging epektibo nga. "Bwuahahaha! Ano ka ngayon Pooh?!" Bagamat huminto ang pagkulo ng tyan ko, parang American Idol lang at contestant ako. Pasado man sa mga hurado, hindi pa rin ako sigurado na makukuha ko ang boto ng American pipol - hindi pa rin ako safe. Makakampante lang ako kung maririnig ko si Ryan Seacrest na magsabi ng "You're safe!", katumbas ng masarap na "Tagumpay!" paglabas ng CR.

Bumaba ako sa Kalaw, sakayan ng pa-Pier na dadaan sa round table. Nagsisiguro, dumaan ako ng Mercury Drugstore para bumili ng gamot pampapigil. Nakapila ako sa cashier ng biglang Krruuuuuk... KRRRUUUUUUUK. Napahawak ako sa pwetan ko.

"t-OSO ka talaga Pooh!!!"

Dali-dali ako lumabas ng Mercury. Hindi ko na kaya, lalabas na ang mga katipunerong uhaw sa kalayaan! Tulad ng dati, ang mga ganitong pagkakataon ay nangangailangan ng kapal ng mukha. Sa unang gusaling natapatan ko pumasok ako ng walang kaabog-abog.

Manong Guard: Saan po kayo ma'am?
(May katandaan at may pilat sa talukap ng isang mata si manong guard)
Ako: Manong kelangan ko po ng CR
Guard: May ID po kayo?
(Gusto pa yata akong magrehistro ni manong guard, usual protocol syempre)
Ako: Manong parang awa mo na, di ko na po kaya.
Guard: Ay, sige po pasok na kayo
Ako: Saan po pinakamalapit na CR?
Guard: Akyat po kayo 3rd Floor tapos kanan, sa pinakadulo.
Ako: Wala po ba dito sa baba?
Guard: Under renovation po kasi

Halos hindi na ako nakapagpasalamat, at dumiretso sa elevator.

Guard: Ma'am sira po elevator

Eto na yata ang pinaka-nakakagimbal na linyang narinig ko sa matagal na panahon. Hindi ko na malaman kung ilang baitang ng hagdan sa bawat hakbang ang nagawa ko. Pagkanan ko, napabagal ako sa paglalakad, nire-renovate nga ang gusali kaya naman maraming manggagawa. Nahinto ang ginagawa nila at lahat sila ay nakatingin sa babaeng naka-uniform, nagtataka marahil kung anong ginagawa doon. Nakaramdam ako ng kaunting hiya at takot, pinilit kong maging normal ang lakad ko kahit pa gusto ko ng pagsasampalin ang bahagi ng pwetan ko parang pigilin ang paghihimagsik ng mga katipunero.

Sa wakas, narating ko ang CR. Malaki eto at may tatlong cubicles. Isinara ko ang main door, hindi dahil natatakot akong pasukin kundi natatakot ako na malaman nila ang krimen na gagawin ko. Wala na akong pakialam kung may iba pang nais gumamit ng CR. Sa mga oras na iyon akin ang CR, sa akin lang!

"Haaay... " Isang mahabang buntong-hininga na simbolo ng isang masaganang ani. Kampay sa tagumpay!

May katagalan rin ako sa CR kaya naman parang ayaw ko lumabas dahil  alam kong may ideya na ang mga manggagawa kung anong ginawa ko. Parang gusto kong magteleport. Wala rin namang ibang opsyon dahil walang ibang daan kundi sa harap ng mga manggagawa. Naglakad ako sa harap nila, at muling nahinto ulit ang mga ginagawa nila, ngunit sa pagkakataong ito ramdam ko ang mga matang nakatingin sa akin na tila nang-uusig. Bawat hakbang parang naririnig ko si Pooh na bumubulong ng "guilty beyond reasonable doubt" na may kasamang malutong ng halakhak na sinasagot naman ng utak ko ng "wala akong ibedensyang iniwan na magpapatunay." Parang naging isang mahabang pasilyo na walang dulo ang daanan ng mga oras na iyon.


Nakahinga ako ng maluwag ng sa wakas ay nakababa na ako. "Okey na po kayo ma'am?" salubong na tanong ni manong guard. Nagpasalamat ako at dali-dali ng sumakay dahil huli na ako sa unang klase ko.

Hindi ko dapat minaliit si Pooh. Kelangan magdagdag ng ibayong pag-iingat upang maiwasan sya. Pero paano kung si Pooh mismo ang lumalapit, matataguan ko ba sya? Isang malungkot na katotohanan sapagkat muli akong ginamit ni Pooh para maisakatuparan ang kanyang krimen. Kaya naman sa muling pagdalaw ni Pooh, isang pamilyar na mukha ang makikita kong muli...

abangan ...

YUGTO III: ANG MULING PAGTATAGPO . . .

0 comments:

Post a Comment